much unhappiness has come into the world...

Sunday, August 19, 2007

Hilakbot sa Administrasyon

Minsan magugulat ka na lamang at ikaw, kahit na isang estudyante, ay mababansagang isang terorista. Ang mga pagbibiro sa mga kaklase na nagdulot ng kalituhan, na kung tutuusin ay napakaliit na bagay lang, ay gawaing pangterorista na. Siguro, ang mga pambobomba at pambibihag ng ilang bandidong grupo tulad ng Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Font ay hindi maikakailang manipestasyon ng terorismo.



Sa konteksto ng Republic Act (RA) No. 9372—Human Security Act (HSA) of 2007—ang terorismo ay nangangahulugang pag-uumpisa ng kaguluhan at pagdudulot ng takot sa karamihan upang pabagsakin ang gobyerno. Pero sa isang simpleng mamamayan, ito ay ang panggugulo sa katahimikan.



Noon lamang nakaraang Agosto 15, naitakda ang unang buwan ng naturang batas, na naipasa noong 15 Hulyo 2007. At nakapaloob sa batas na ang HSA ay: “an act to secure the state and protect our people from terrorism.” Pero ang batas ay parang babae na nagpupumilit na paggandahin ang sarili; paggamit ng mga kung anu-ano—makeup, pabango, matataas na sapatos at iba pa—upang itago ang kanyang kapangitan (Cruz, 2007). Kaya naman hindi na maikakaila na ang Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ay sinisimulan na ang paggamit ng kamay na bakal sa kanyang pamamahala.



Kung mamarapatin, tingnan man sa maraming angulo, ang pagpapanukala ng anti-terror law ay bunga ng dalawang insidente noong mga nakarang eleksyon. Isa sa mga ito ay ang “Hello Garci Scandal” noong 2004, na kinasangkutan ng pangulo at ni Commissioner Virgilio Garcillano. Ang nasabing iskandal ay naganap noong kainitan ng eleksyon, at naging kontrobersyal pa ito dahil ang nilalaman ng pag-uusap nila ay ang mga resulta sa eleksyon. At ang isa pa sa mga maaring dahilan ay ang pagkatalo ng karamihan sa mga kandidato ng administrasyon sa nakalipas na senatorial elections.



Mula nang maging epektibo ang batas, may mga isyu na umusbong agad ukol sa HSA, at isa sa mga ito ay ang invasion of privacy. Ayon sa ikapitong seksyon ng RA 9372, ang mga alagad ng batas ay may karapatang manghimasok at i-rekord ang mga usapang confidential, kung may pahintulot mula sa Court of Appeals (CoA). Hindi lang ang mga diskurso ang puwedeng pakialaman, puwede rin ang bank account/s ng inaakusahan, na siya namang nakapaloob sa ika-27 seksyon ng HSA. Sa simula pa lamang, paglabag pa rin ito sa karapatan ng isang tao na magkaroon ng private life kahit may permiso pa ang pulisya na nagmumula sa nasabing korte.



Ngunit hindi pa rin lubusang mababalewala ang nasaad na karapatan ng tao dahil mayroon pa ring anti-wire tapping law, kung saan ang lahat na i-rerekord na pag-uusap ay alam ng parehong partido sa diskurso. At kung sakaling malabag ito, may mga kauukulang parusa pa ring maipapataw. Hindi lamang ang anti-wire tapping law ang sumusuporta sa pagprotekta sa tao, kabilang dito ang ika-13 seksyon ng RA 9372. Tinatalakay nito na kung sakali mang may mga wire-tapped recording, hindi ito ilalabas para magamit bilang ebidensya nang walang pormal na liham na humihiling na magamit ito.



At kung tinutuligsa na ang HSA ay mapanghimasok, lahat ng batas ay sadyang ginawa para pakialaman ang buhay ng tao, ayon kay Allen Surla, vice chairperson ng Political Science Department ng Pamantasang De La Salle- Manila (Legados & Sta. Ana, 2007).



Kung gayon man na ang HSA ay may kaakibat na invasion of privacy, anupa’t mayroong anti-wire tapping law? Nasaad sa batas na ito na ang pag-rerekord ay dapat alam ng parehong tao sa diskurso; pero nilalabag ito ng anti-terror law dahil kahit hindi alam ng isang partido basta may permiso mula sa CoA ayos lang.



Kapansin-pansin din na ang RA 9372 ay kapaki-pakinabang sa gobyerno. Una, maari silang magpadampot ng kahit sino na pinagiinitan nila. At kung may hihingin ebidensya, maari silang gumawa ng pekeng rekording para mas idiin pa ang nasasakdal. Sa seksyong labingtatlo, sinasabi na ang pakikinig ng mga wire-tapped na usapan ay maaring hilingin ng Department of Justice (DOJ) mula sa CoA. Sa ganitong kaso, sino ba ang namamahala sa usaping hustisya sa bansa? Ang DOJ. Maaring may maganap na conspiracy sa pagitan ng dalawa. Ang isa pang manipestasyon ng pakikinabang ng gobyerno ay makikita sa isang sipi mula sa kahulugan ng terorismo, “...in order to coerce the government to give in to unlawful demand...” Hindi ba’t parang sila rin ang pinoprotektahan ng batas? Kung baga, sila lamang ang saklaw ng panggugulo ng terorista.



Sa kabilang banda, mayroon pa ring bahagi ang batas kung saan ang mga law enforcers ay hindi pinapanigan. Tulad na lamang nang nasa seksyong labing-anim. Isinasaad dito na may parusa sa mga interceptions o mga rekording na walang kauukulang pahintulot. Hindi lamang iyan, sa ika-47 seksyon ay nakasulat, kung sakali mang mag-imbento ng rekording, sila ay mapapatwan ng labindalawa hanggang dalawampung taon na pagkakabilanggo.



Kung minsan, hindi naihahatid ang mga “suspek” sa naangkop na awtoridad ng hustisya sa loob ng tatlong araw, at nang dahil dito napaparusahan ang mga law enforcers. Mapapansin halos kahawig nito ang mga habeas corpus proceedings.



Kahit pa, naniniwala pa rin ako na ang HSA ay pabor pa rin sa kagustuhan ng gobyerno. Pansinin ang ika-53 na seksyon ng batas. Sinasaad nito na ang anti-terrorism council ay bubuuin ng Executive Secretary, Secretary of Justice, Secretary of Foreign Affairs, Secretary of National Defense, Secretary of Interior and Local Government, Secretary of Finance at ng National Security Advisor. Kung iisipin, ang mga ito ay itinalaga ng pangulo. Sila na may kapangyarihang magbigay ng pananaw sa naturang batas, ayon sa ika-54 na seksyon. Nakapagtataka talaga at puro kaalyado lamang ng pangulo ang nasa konseho; walang oposisyon. Sa madaling salita, maaring magamit ito ng administrasyon bilang sandata para malupig ang kumakalaban sa kanila.



Ang Human Security Act ay niyuyurakan ang karapatan ng mga tao. Sa isang bahagi ng ikalabinwalong seksyon, ipinapahiwatig nito na maaring dakipin ang sinumang pinaghihinalaang terorista. Kung kaya’t sila ay nawawalan ng karapatang maging malaya. At kung sabihin man na mayroon kaukulang pahintulot na mula sa Anti-Terrorism Council, maaring ang taong hinuli ay pinag-iinitan ng administrasyon. Ang batas ay tuwirang nagpapakita ng awtoritariyanismo dahil ang pulisya ay maaring manghuli ng tao, kung saan puwede niyang bigyang pakahulugan ang mga kasalanan ayon sa kagustuhan niya (Inquirer, 2007).



Ngunit ayon nga sa ilang mambabatas na nagpanukala nito, hindi naman nila tinatanggalan ang mga tao ng karapatang ipahiwatig ang saloobin nila. At kung iisipin, ayon sa ika-24 na seksyon, ang mga huhulihing tao ay hindi sasaktan at pupuwersahin kapag iniimbestigahan o kinukuwestyon. Sa ika-50 na seksyon ng batas, kung sakaling manalo ang akusado, babayaran siya ng P500,000 ngunit wala pa ring makakapigil sa kanya na kasuhan ang mga nagdemanda sa kanya. Malinaw na hindi pa rin tayo mawawalan ng pag-asang makamtan ang hustisya.



Pero, ang batas na sinasabing magbibigay proteksyon sa tao ay kapansin-pansing nagdudulot ng kapahamakan sa kanila. Ang HSA, hindi man tahasang nagpapahiwatig, ay pinipigilan ang karapatan ng tao na sabihin ang nais nila—ang mga hinaing nila sa gobyerno (Inquirer, 2007).



Ang pamumuno ng presidente ay naging madugo, nang manungkulan siya, biglang lumobo ang bilang ng extrajudicial killings sa 863, meron ding 180 ang nawawala at 248 ang nakakulong. Ang pangdadakip nito ay sumisimbolo sa pagpapatahimik ng tao at katotohanan (Inquirer, 2007).



Sa katunayan, ayon sa artikulong “A song dangerous under Human Security Act” ng pahayagang Inquirer, mayroon nang Ten Commandments ang kasalukuyang administrasyon: (1) Huwag magsabi ng katotohanan, (2) Huwag isiwalat ang pangungurakot ng gobyerno, (3) Huwag nang maghabol sa hustisya, (4) Huwag ipaglaban ang karapatang pantao, (5) Huwag nang paglingkuran ang mahihirap, at sabay tatanungin kung bakit sila ganoon, (6) Huwag isiwalat ang dayaan sa eleksyon, (7) Huwag asikasuhin ang mga taong “wanted”, (8) Huwag nang mag-protesta sa pang-aabuso ng AFP at PNP, (9) Huwag sumali sa mga rally, at (10) Huwag nang subukang patalsikin ang pangulo.



Sa patuloy na patuligsa sa batas, mas marami pa ang isyu na lilitaw. Tulad na lamang ng sabi ni Allen Surla sa panayam ng The Lasallian, “[HSA is] a hodgpodge of existing laws.” Kapansin-pansin din ang kaguluhan sa mga nilalaman nito, kung iintindihin ng mabuti, mapapagtanto na ang mga probisyon sa batas ay nagkokontrahan lamang. Ang pagkakatatag ng batas ay patuloy na tutuligsain dahil ang pangunahing trabaho ng AFP ay protektahan ang sambayanan kaya nakapagtataka talaga ang pagpapanukala ng Human Security Act of 2007 (Cruz, 2007). Malamang ang pagpapanukala nito ay preparasyon sa pagpapalit ng uri ng pamahalaan—pamahalaang diktaturya sa kamay ni Arroyo.


akda ni: JUAN

Mga Sanggunian:


Cruz, Isagani. (2007). The histrionic security act of 2007. Sinaliksik 15 Agosto 2007, mula sa http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view_article.php?article_id=80617


Inquirer. (2007). A song dangerous under human security act. Sinaliksik 15 Agosto 2007, mula sa http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/letterstotheeditor/view_article.php?article_id=76562



Inquirer. (2007). Human security act is inhuman. Sinaliksik 15 Agosto 2007, mula sa
http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/letterstotheeditor/view_article.php?article_id=77017



Legados, Z. & Sta. Ana, F. (2007, August 6). HSA: For whose security? The Lasallian, vol. XLVII (3), pp. 1 & 9.


posted by group3 at 7:00 PM

Ang blog na ito ay nilikha upang bigyang boses ang mga Lasalyano
ukol sa isyu ng ipinatupad na batas na Human Security Act o
kilala rin bilang Anti-Terrorist Law.
Ito ay magbibigay ng iba't-ibang kuro-kuro ng mga Lasalyano,
maging sang ayon man ito o hindi, sa naturang batas.
Naniniwala ang mga patnugot ng blog na ito na nagsisimula ang
kalungkutan sa mundo dahil sa ilang mga kaisipan na hindi
nailalahad sa nakakarami. Lubos na iminumungkahi ng mga manunulat
sa blog na ito na dapat malayang maipahayag ang damdamin ng
bawat isa ukol sa naturang isyu upang maiparating sa kinauukulan ang
maaring maging epekto nito sa mamamayan lalo na sa mga kabataan.


  • Damasco, Mary Grace


  • Dio, John


  • Endozo, Rendon


  • Francisco, Loise
  • Malabanan, Rizelle


  • Peñaflorida, Juan


  • Ramos, Lisette


  • The Histrionic Security Act ni Isagani Cruz



  • A Song Dangerous under Human Security Act mula sa Inquirer



  • Human Security Act is Inhuman mula sa Inquirer



  • HSA: For Whose Security nila Francesca Sta. Ana at Zamanta Legados



  • Bill of Rights


  • FAQ's on HSA..


  • August 2007



    Magkomento, Umimik ka dahil
    Bawa't Opinyon Mo'y Mahalaga!!!
    Kaya't Mag-Tag na...








    Narito ang mga blog pa ng ibang grupo




    ...group 1...

    ...group 2...

    ...group 4...

    ...group 5...

    ...group 6...



    Ang mga pahayag at lahat ng nabanggit dito ay pawang mga opinyon,
    kuro-kuro at saloobin ng bawat miyembro na bumubuo sa ikatlong-pangkat.
    Respeto at pagtanggap lamang sa mga simpleng opinyon nito ang
    aming hinihingi. Kami ay pawang mga estudyante lamang, pana'y mga
    baguhan lamang sa mga pagsusuri at pagbatikos.
    Kung mayroon kayong mga bagay na gustong linawin,
    kontrahin o kaya'y batikusin, malaya kayong makapagbibigay ng opinyon
    sa pamamagitan ng aming tagboard...
    Malugod namin itong tatanggapin..

    MARAMING SALAMAT
    at MABUHAY TAYO!!!




    Ang mga taong ito ang nais namin bigyang ng pasasalamat dahil
    sa kontribusyong kanilang ipinamalas sa paggawa ng aming munting blog



  • Kay Bb. Athena para sa pagpapaunlak sa amin


  • Kay Mr. Rowie Madula dahil hindi naman ito magiging posible

    kung hindi dahil sa kanya

  • Sa lahat ng aming mga ginamit na sources
    sapagkat may naisulat kami dahil sa inyo


  • Sa mga terorista dahil sila ang inspirasyon ng HSA



  • </div>